Paghablot ng Nakaraan sa Kasalukuyan

“Kandong at nakakubli sayong mga bisig

hinihintay na ang mundo ay tumahimik

pinipilit na tanggapin ang iyong suliranin

di mo lang napansin mga luha ko’y pumatak na rin…”

 

Ano nga ba ang pamantayan ng salitang pagmamahal?

pano nga ba masasabi na ang binigkas ay may bigat?

ano nga ba ang dapat sa isang magkatipan?

hanggang kailan nga ba tatahimik at tanggapin ko na lang?

 

Ito ang mga katanungan na sa umaga ko’y gumamambala

mga tanong at hinanakit ng pusong pilit nagpaparaya

pilit na umiintindi ngunit pagnanasa’y di maikubli

pwede ba minsan naman ako sayo’y maging makasarili?

 

Advertisements

Hiling

Sa tuwing pumapatak ang ulan

ako’y napapatingin, nakikinig, nakikiramdam

 

Bulong ng hangin minsa’y nagagalit

minsa’y naglalambing

humahagod sa kalamnan

nagdudulot ng lamig

 

Akin ding inaaninag

ang madilim na langit

hinahanap si haring araw

tinatanong kung kailan sya babalik

 

Inaasam makita muli

ang kanyang pagngiti

hinihiling na maari bang ipagsabay

ang kanyang liwanag sa dilim ng ulan sa langit. 

Ang Nakatagong Minamahal sa Langit

Hanapin ang kalinga
sa yakap ng hangin
ito’y dahan dahan kang iduduyan
at tahimik kang hahagkan

Hanapin ang ligaya
sa pumpon ng mga ulap
sa taas at layo ng nilaklakbay
tila baga ika’y nakalaya at nililipad

Hanapin sa langit ang pusong katuwang
pumikit at makinig sa maaring kasagutan
magtanong kung asan sya o sya pa ba’y darating
nauuhaw rin ba sya sa aking pagdating.

image courtesy of flickr.com

Sa Pagdaloy ng Tubig sa Hubad na Katawan

Masdan ang mga matang nangangalumata
tila nais ng pumikit at mahimbing

Masdan ang labing nangingimi
sa mga binigkas nais ng tumahimik

Masdan ang mga kamay na nanginginig
pagal at handa na atang bumitaw.

Bumitaw sa mga alaala natin sinta
pagka’t puso’t isipa’y nasasaktan

Kaya nga’t sa pagpatak ng tubig
sa katawang nagsusumamo

Harinawa’t pagibig na laan
sa pagbagsak ay sumabay at yumao

Dumaloy pababa at sa puso ay lumayo
muli’t buhayin ang puso’t kaluluwang nagapo

Ito ang mga impit na hiling sa pagpatak ng tubig
mula sa katawang hubad at sa pusong umiibig.

image courtesy of askmissa.com