Ang Huli Araw Natin

the-end

Sa kalagitnaan ng kaguluhan hindi ko matiis na hindi lakbayin ang nakaraan,

kung saan ako dating nadapa, kung saan pilit pumihit at pag-iibiga’y nawala.

Doon ko nakita ang ating kamalian, sa gitna ng mga halik, galit at kamangmangan

sa pagpipilit angkinin ang lahat ng biglaan, sa pagmamadaling abutin ng walang pag aanuman

Ngayon sa dulo ng taon ako’y napahinto, nakatitig sa naiwang mga sulat at regalong hindi na naibalot

Nagninila’y kung ano at papasaan nga ba, kung dapat pa bang hintayin,o iwanan ang ating pahina.

Anong Nangyari?

Di ko tuwiran maintindihan

ang mga pangyayaring naganap

basta ang alam ko lang giliw

ay di nakita maapuhap

parang nawala sa kawalan

isang biyayang napag-aksayahan

isang bituing nawala ang kariktan

tila rosas na unti unting nahuhulog ang talulot.

Ang mas nagpagulat sakin

ay ang aking pananahimik

kung dati’y pinipilit kong sagipin

ba’t ngayon ay pilit na di pinapansin

hinahayaang ika’y lumayo

tinitiis ang panlalamig mo

marahil nga doon mo nahanap ang saya

kaya nga bat ko pa ito sayo’y ipagkakaila.

…..

Siguro’y nais na lang manahimik
at ipag pasa Diyos ang pagsinta
hayaang lumisan, umalpas at lumayo
ipikit ang mata at itigil ang pakikibaka.